Sa mga kapwa po namin mag-aaral ng iba't ibang paaralan sa Pilipinas, pribado man o pampubliko, hinihikayat po namin kayo na maging mapagmatyag at aktibo ngayong paparating na halalan sa pamamagitan ng simpleng pagpapadala lamang ng mga kuha o litrato niyo ng mga politikong kandidato na kahit sa Commencement Exercises o maging sa Graduation Day (kung saan kayong mga magsisipagtatapos at mga kamag-anak, kapatid o kaibigan ng mga magsisipagtapos ang dapat na pinaparangalan) ay sila pang bibida-bida sa mga araw na ito.
Noong nakaraang buwan po'y may pinaikot na memorandum ang Department of Education (DepEd) na nagpaparating sa mga paaralan ng hindi pagsang-ayon sa mga politikong kandidatong gagamitin ang Graduation at Commencement Day bilang porum upang ipaalam ang kanilang mga plataporma at angking galing bilang pinuno ng anumang sekto ng lipunan.
Sa pagpapadala po ng mga litrato o video ng mga ito ay maipaparating natin sa kanila ang pagnanais nating kundenahin ang pakiki-sawsaw nila sa espesyal na araw na ito. Mahalaga para sa atin na maipagmalaki ang nagawa natin at hindi ang mga pangako at nagawa ng mga politikong kandidaton ito.
Kung may makuha man po kayo, maaring ipadala po lamang ang mga ito sa spotlightphilippines(at)yahoo(dot)com(dot)ph. Higit po naming pahahalagahan ang confidentiality ng inyong ipapadala at maging ng magpapadala mismo.
Nawa'y maikalat po natin ang mensaheng ito sa ating mga kaklase, kaibigan, kamag-anak at kung sinu-sino pa, nang sa gayo'y maiparating natin sa mga politikong kandidatong ito ang ayaw natin sa kanila.
Sa araw ng pagpaparangal, ilabas ang mga cellphones, camera o tablets bilang armas ng pagbabago, ipadala ang mga litrato o di kaya'y ipost sa Facebook nang malaman nang marami ang hindi katanggap-tanggap na pangangampanya ng mga ito.
Kayo, mga kapwa po naming estudyante, ang ugat ng pagbabago sa bansang ito. Nasa atin po ang mas progresibong pagbabago. Kung hindi tayo kumilos kahapon, dapat ngayon; kung hindi ngayon, kailan pa?
Maraming salamat!
Maraming salamat!