WANT TO LEARN MORE? GOOGLE IT. :)

Saturday, November 19, 2011

Tugon: Sana Akin Ka na Lang

"Oo". Nakarating sakin ang akda mo.

Pero nililinaw ko lang na hindi ako yung taong hinahanap mo. Hindi ako yung taong naghahanap ng Ate o masasandalan. Hindi ako yung taong sadyang dahilan ng pag-shoshopping mo sa ukay-ukay. Hindi ako yung taong kumakalabit sayo't pinag-mumumura.

Hindi ako ang pamantayan mo sa paghahanap ng karelasyon. Hindi ako siya.

Ako lang naman ang taong sulyap nang sulyap sayo habang nakabaling naman ang titig mo sa iba. Kung gaano man kalalim ang titig mo sa kanya ay siya ding lalim ng inggit na nararamdaman, ngayon alam mo na.

Kagaya mo, mahilig din ako sa Asianovela. Mahilig din akong magbasa ng mga bali-balita, kaya huwag ka sanang mabibigla na nabasa mo ito ngayon. Ngayon alam mo na.

Siguro kung nasambit ko lang sa 'yo mga interests ko (ikaw lang naman kasi yun), maliliwanagan kang mas nababagay tayo. Ay, hindi nga pala tayo nag-uusap noon. Yun lang.

May kagwapuhan din naman ako kahit papaano, hindi din ako celebrity. At sabi din ng mga kaibigan ko, kung naitanong mo lang din sa kanila, sobrang bait ko daw.

Hinanap din kita online, biruin mo. Tiningnan ko lahat ng results sa Google para lang mabatid kung may malalaman pa ako tungkol sa 'yo, pero kaunti lang ang alam ng buong mundo kaya nasayangan ako sa binayad ko sa internet cafe. Kasalanan mo.

Kasalanan mo kung bakit di ako nakapasok sa 7am class ko dati. Gumawa kasi ako ng isang bagay na ibibigay ko dapat sa 'yo sa pagtatapos ng klase, kaya lang di na kita naabutan noon. Kasalanan mo din kung bakit binabasa nila ito ngayon, hindi naman ako manunulat. Parang facebook post lang ito na kakalat sa mga feed updates (ticker) ng mga kaibigan mo, kaibigan ng kaibigan mo, at mga di natin kakilala.

Ang inaabangan ko lang, sana makarating ito sa 'yo.

Hindi ko alam kung bakit sa tuwing nakikita kitang tinitingnan mo siya, napapangiti na din ako. Masaya ako dahil kahit papaano'y may mga pagkakataon akong matingnan kang pawi ng lungkot, at babad sa sigla. Abot-langit ang aking pagkakagalak na makasama ka sa klaseng iyon, kung saan mas natutunan ko pang mahalin ka kesa ang subject na iyon.

Ang masakit nga lang, INC nakuha kong grado. Ikaw daw ang kulang. Makumpleto ko pa kaya?

Maswerte siya na wala kang pinagdaramutan. Sa sinulat mo sa iyong akda, parang swerteng bank error lang ang nangyari at may maibibigay ka pang "oo" sa kanya, kahit wala naman siyang dineposit sa tanang buhay niya.

Gusto din sana kitang makausap, ngunit di naman ako yung taong hinahanap mo.

Sakaling mabasa mo ito, nandito lang ako umaasang di ka niya papag-aalalahanin. Kung tila sa pag-daan ng panahon, wala nang bumalik sa nakaipon mong "oo", baka pwedeng ako na lang ang mag-withdraw. Kagaya nga ng sinabi mo, aanhin mo naman 'yun.

Hindi Mo Lang Alam
Para kay Santa: Isang Pang-matagalang Ninalyn Uy Please