Isinusulat ko ito para sa taong minahal ko.
Para sa 'yo, na di alam na ika'y minahal, alam kong marami nang nagbago sa atin. Di na tayo tulad ng dati. Ibang-iba na.
Pinili kong di na mapalapit sa 'yo. Dahil sa bawat oras na nakakakasama kita, sakit lang at pag-iisa ang nararamdaman ko. Nasasaktan ako kasi kahit na anong gawin ko, kulang pa din ako para sa 'yo.
Na kahit na anong gawin ko, di pa din ako sapat. Ginagawa ko lahat ng makakaya ko para maging proud ka sa akin. Lumayo ako dahil alam kong wala akong kalulugaran.
Lumayo ako dahil hindi ko alam kung paano ko pa ipagsisiksikan sarili ko sa 'yo. Lumayo ako dahil ito lang ang naisip kong tama, para sa kapakanan ko. Lumayo ako dahil minahal kita.
Minsan iniisip ko kung bakit may mga pagkakataon na sa tuwing namamataan ng mga mata ko ang mga mata mong oh kay amo, naiisip kong baka may tsansang mahal mo din ako. Pero ayoko nang umasa.
Mahal kita nang sobra-sobra, higit pa sa pagmamahal ko sa sarili ko. Napakasakit lang na di mo man lang nalalaman kung gaano ako nasasaktan bawat araw na nakikita kita. Marami tayong pinagsamahan. Marami tayong pinagdaanan.
Pinili kong lumayo dahil ayaw kong mawala ang kung ano man ang meron tayo noon. Gusto kong mapalapit sa 'yo pero hindi ko kayang makasama ka nang nasasaktan.
Sana balang araw, makalimutan na din kita. Sana dumating ang panahon na wala na akong maaalala tungkol sa atin. Sana di ko na maranasan 'to, dahil sa totoo lang, nahihirapan na talaga ako.
Nalaman kong mahal na mahal kita nang mapagtanto kong kaya kong isakripsyo lahat para lang sa 'yo. Na kaya kong kalimutan ang sarili ko para lang mapasaya ang iba.
Siguro nga maswerte ang mapupunta sa akin. Pero mas maswerte ako pag ako ang mapunta sa 'yo.